26/02/2021
CALLAO CAVES BANCA OPERATORS ASSOCIATION, NAKATANGGAP NG AYUDA MULA SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG CAGAYAN
Namahagi ng ayudang pinansiyal ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Tourism Office sa Callao Caves Banca Operators Association ng Aggugaddan, Penablanca.
May walong (8) miyembro ng asosasyon na nakatanggap ng tig-P15,000 para sa pagpapaayos ng kanilang mga bangka na nasira sa pananasala ng bagyong Ulysses noong nakaraang taon.
Ayon sa Provincial Tourism Office, inaprubahan ni Governor Manuel N. Mamba ang hiling ng mga miyembro na maayos nila ang kanilang mga bangka upang nang sa gayon ay makabalik ang mga ito sa kanilang ikinabubuhay kapag nanumbalik na operasyon ng turismo sa gitna ng pandemya.
Agad namang inaksyunan ng Tourism Office ang proyektong ito. Ang nasabing ayuda ay naipamahagi nitong ika-24 ng Pebrero sa mismong Information Center ng Callao Caves sa Penablanca. Ito ay pinangunahan ni Jenifer, Junio-Baquiran, ang OIC-Tourism Officer ng Cagayan at dinaluhan naman ng mga miyembro ng banca operators sa pangunguna ng kanilang President na si Amado Domingo.
Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Junio-Baquiran ang lahat ng miyembro ng asosasyon na pahalagahan ang naibigay ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanila upang makapagsimula muli.
“Huwag ninyong isabahala ang tulong ng pamahalaan sa inyo. Ang Callao area ay nasa pamamahala ng Pamahalaang Panlalawigan, ngunit kayong nasa komunidad ang dapat na unang magpahalaga at magmahal sa mahalagang yaman na ito,” sambit pa niya.
Samantala, sinabi naman ni Domingo na hindi nila inaasahan ang pagsasara ng kanilang pinagkakakitaan dahil sa banta ng pademya. “Gayunpaman, kami ay nagpapasalamat kay Governor Manuel N. Mamba, sa tulong pinansiyal na ipinagkaloob sa amin, gayundin sa tanggapan ng Cagayan Tourism Office sa pamumuno ni Jenifer Junio-Baquiran, sa walang sawang pagsuporta sa amin upang muling makabangon,” pahayag din niya.
Pinangako din ni Domingo na gagamitin nila sa pagpapaayos ng kanilang mga bangka ang ayudang ipinamahagi sa kanila para sa ikauulad ng turismo sa Cagayan.
Ang pamamahagi ng ayuda sa boat operators ay ilan lamang sa mga programang nakalaan sa pagbubukas ng Callao Caves.
Bago pa man ang pandemya, puspusan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa site development ng lugar na nakaangkla sa sustainable community-based tourism, isa sa mga adhikain ni Gov. Mamba sa larangan ng turismo, kung saan ang komunidad ay kasama sa pamamahala ng mga tourism sites ng lalawigan.
Kasama din dito ang pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran upang maipana pa sa mga susunod na henerasyon.
Ayon pa din kay Jenifer Junio-Baquiran, ang Callao Caves ang unang bubuksan sa publiko kapag may abiso na sa pagbubukas ng turismo.
Bukod sa tour sa kweba, bubuksan din ng Tourism Office ang bagong adventure tour na binansagang “Off the Grid,” isang overnight camping adventure sa Horseshoe Bend sa bahagi ng nasabing lugar.
Siniguro naman ni Junio-Baquiran na magkakaroon ng mahigpit na protocols kapag ito ay nagbukas na. “Kailangan pa din ng mahigpit na pagsasagawa ng ating health protocols. Sa ating adventure na ito, walo (8) lamang ang maaaring umakyat at mag-camp.”
Upang maseguro din ang kaligtasan ng mga turista, may dalawang (2) guide na mangunguna sa nasabing aktibidad. (MIA BAQUIRAN)