26/07/2024
TURISMO AT TRABAHO
Bukid na mumunti, ani'y di gaano.
Bangka na maliit, huli'y di mapiho.
Ating itaguyod programang turismo
upang makalikha ng laksang trabaho.
Napili kamakailan ang Bonbon Beach sa Romblon, Romblon bilang isa sa World's Top Beaches for 2024. Ang karangalang natamo ay nagbigay ng ibayong sigla sa mga Romblomanon na kasalukoyang nagsisikap ng masinsinan upang pagyamanin ang industriya ng turismo sa lalawigan.
Ang Romblon ay isang arkipelago na binubuo ng pitong malaki-laking isla at napakaraming malilinggit na pulo. Pagsasaka at pangingisda ang tradisyonal na pinagkikitaan ng maraming mamamayan nito. Maliban sa marmol, halos walang umiiral na iba pang industriya sa lalawigan.
Karamihan ng pangangailangan ng mga Romblomanon ay inaangkat sa labas -- partikular sa Mindoro, Panay at Luzon. Kasama na rito ang grocery items, construction materials at mga panindang pangperyante. Umaangkat rin ang Romblon ng bigas, mga gulay at maging mga lamang dagat lalo na ang tahong, alamang at pinatuyong isda.
Sa kabilang banda, kakarampot lamang ang inieksport ng lalawigan -- ilang toneladang marmol, ilang sako ng copra, ilang styrofoam ng isda, ilang kaing ng Indian mango, ilang ulo ng mga hayop, ilang balot ng tinapay, at halos wala na.
Kaya't panay palabas ang daloy ng pera, bihira ang daloy pabalik. Nababalanse lamang ang daloy ng salapi dahil sa samo't saring uri ng kaperahan na nanggagaling sa gobyerno at dagdag rito ay ang mga padala ng OFWs pati mga kamag-anak sa ibang bahagi ng Pilipinas.
Walang masyadong maasahan sa pagsasaka ang mga Romblomanon. Maliit ang land area ng Romblon at malilinggit ang sukat ng mga bukid. Kahit pa halimbawa maging napakaproduktibo ang kabukiran, iilang mga mamamayan lamang ang makakapagtrabaho dito.
Gayondin sa pangingisda. Kalimitang maliliit ang sukat ng mga bangkang pangisda sa Romblon. Hindi ito sapat upang magbigay ng trabaho at kasaganaan sa maraming pamilya.
Dahil walang gaanong mapagkakakitaan sa Romblon, maraming mga Romblomanon ang nakikipagsapalaran sa ibang lugar pati na sa ibang bansa kasama na ang Middle East, America at Europa.
Sa kasalukoyan, may malawakang konsensus ang mga Romblomanon na samasamang pagsikapang paunlarin ang industriya ng turismo sa lalawigan. Ito ang isang napiling paraan upang mapasigla ang mga negosyo, makalikha ng maraming trabaho, at mapatatag ang ekonomiya ng Romblon.
-- JRMR / Odiongan, Romblon / 23 Hulyo 2024
๐ท๐บ๐ ๐ผ๐๐๐๐๐น
Related posts:
PRES. MARCOS, BIBIGAY NG TULONG PINANSYAL SA MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA NG ROMBLON
https://banderapilipino.websites.co.in/.../pres.../2635965
77 BENEFICIARIES NG FERROL AT ODIONGAN BINIGYAN NG BURIAL & MEDICAL BENEFITS
https://banderapilipino.websites.co.in/.../77.../2627116