02/02/2017
BULUTONG (CHICKEN POX): SANHI, SINTOMAS AT PAG-IWAS
Ang bulutong o bulutong-tubig (Ingles: chicken pox; medikal: varicella zoster) ay isang karamdaman sa balat kung saan nagkakaroon ng mga butlig-butlig na maaaring mag-iwan ng peklat kapag umampat o matuyo na ang mga ito.
PAANO NAHAHAWA NG BULUTONG?
Ang bulutong ay sanhi ng Varicella zoster virus (VZV) at maaaring mahawa sa paglanghap ng hanging may taglay na virus (na maaaring mangyari kung malapit ka sa isang taong may bulutong) o kung mahawakan o makadikit ka sa taong may bulutong. Ang mga taong may bulutong ay nakakahawa dalawang araw bago umusbong ang mga butlig hanggang apat o limang araw makalipas.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG BULUTONG?
Ang bulutong ay may tipikal na mga butlig na may mga ganitong katangian:
parang may tubig sa loob (kaya nga ito’y tinatawag ring bulutong-tubig)
naguumpisa sa ulo, tiyan, at dibdib at kumakalat palabas
Makati, lalo na kung malapit nang maampat
Ang mga butlig na ito ay maaampat at matutuyo, ngunit maaaring magpeklat, lalo na kung may edad (18 pataas) na ang nagkabulutong. Mas maaari ring magpeklat kung madalas kamutin ang mga butlig.
Subalit bago magkaroon ng bulutong, may mga pangunahing sintomas muna gaya ng mga sumusunod:
pananakit ng katawan
pagsusuka at liyo
sinat o lagnat
pananakit ng lalamunan (sore throat)
pananakit sa tainga
panghihinga o pangangalos
kawalan ng ganang kumain
ANO ANG GAMOT SA BULUTONG?
Sapagkat ang bulutong ay sanhi ng isang virus at kusang nawawala, hindi kailangan ng gamot sa mga karaniwang kaso ng bulutong. Ngunit mahalagang panatilihin ang kalinisan ng katawan habang may bulutong, upang hindi maimpeksyon ang mga butlig. Iwasan ding mainitan, mabanasan, o pawisan sapagkat maaaring lumala ang pangangati sa mga sitwasyong ito.
Mahalaga ring umiwas sa mga sanggol o kahit sinong tao na hindi pa nagkakaroon ng bulutong, upang hindi makahawa nito.
Maari rin uminom ng anti-viral. Maari ring magreseta ang Doctor upang mabawasan ang sintomas na dinadanas at maiwasan ang komplikasyon.
PAANO MAKAKAIWAS SA BULUTONG?
Gaya ng tigdas-hangin at tigdas, ang bulutong ay maaari lamang makuha isang beses sa buhay ng isang tao. Ngunit, sa pamamagitan ng bakung (Varicella vaccine) ay maaaring tuluyang maiwasan ang pagkakaroon ng bulutong. Ito’y karaniwang unang ibinigay sa unang taon ng isang bata. May pangalwang turok na ibinibigay at edad 4-6 para makasigurado sa proteksyon ng bakuna. Kung hindi ito nagawa, kahit sinong bata o matanda edad 13 pataas ay maaaring mabigyang ng dalawang turok ng bakunang ito, sa pagitan ng apat hanggang walong linggo. Magpunta sa klinika o ospital at magpakonsulta sa inyong doktor upang makakuha ng bakuna laban sa bulutong, kung may miyembro ng inyong pamilya na hindi pa nabibigyan nito.
Source : http://kalusugan.ph/bulutong-chicken-pox-sanhi-sintomas-at-pag-iwas/
(Ingles: chicken pox; medikal: varicella zoster) ay isang karamdaman sa balat kung saan nagkakaroon ng mga butlig-butlig na maaaring mag-iwan ng peklat kapag umampat o matuyo na ang mga ito.