22/02/2021
Flights to and from Tuguegarao starting March 5! For your booking concerns, send us a message!
TUGUEGARAO AIRPORT, TARGET BUKSAN SA IKA-5 NG MARSO NGAYONG TAON
Target ngayong buksan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang commercial flights ng Tuguegarao City Airport sa ika-5 ng Marso ngayong taon.
Ito ang inilabas na pahayag ng ahensya kasabay ng pagbababa ng mga alituntunin na susundin ng mga pasaherong babiyahe papasok at palabas ng rehiyon.
Ayon kay Mary Sulyn Sagorsor, Area Manager ng CAAP Tuguegarao, nagkaroon umano sila ng pagpupulong kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao, DOH, PNP at iba pang mga stakeholders ukol sa protocols ng nasabing paliparan.
Ani Sagorsor, bago pa man makakakuha ng ticket at boarding pass ang pasaherong babiyahe ay kinakailangan itong magsumite ng mga kaukulang dokumento.
Ang mga pasaherong lalabas ng lungsod ay kinakailangang mag-presenta ng Barangay Certificate, Travel Authority at Certificate of Acceptance sa pupuntahang lugar.
Samantala, ang mga uuwing residente ng lungsod ng Tuguegarao ay hihingan ng Affidavit of Undertaking na magpapatunay na sila ay susunod sa 14-day mandatory quarantine, pagkatapos ay susunduin sila ng LGU at sasailalim sa swab test pagkalipas ng anim na araw. Kapag lumabas na negatibo ang pasaherong uuwi sa lungsod ay papayagan na itong sumailalim sa home quarantine.
Dagdag ni Sagorsor, maaaring pumili ng quarantine facility ang isang pasaherong uuwi sa lungsod at kung nanaisin nitong dumeretso sa isang accredited hotel quarantine facility ay sasagutin niya ang anumang gastusin sa loob ng ilang araw.
Para sa non-resident, kinakailangang mag-book ang mga ito ng sasakyang susundo sa kanila mula sa airport at sasamahan naman sila ng PNP hanggang sa boundary ng uuwiang bayan o probinsya.
Sa ngayon, pansamantalang bubuksan ang flights sa Tuguegarao Airport sa araw lamang ng Lunes at Huwebes. (KANE MANAOAT)