15/02/2023
GOB. MAMBA, PINASALAMATAN ANG MAMAMAYAN NG BAGGAO, CAGAYAN SA KANILANG KOOPERASYON SA PAGLABAN SA INSURHENSIYA
Pinasalamatan ni Gob. Manuel Mamba ang mamamayan ng Baggao, Cagayan sa kanilang ipinapamalas na kooperasyon sa paglaban sa mga makakaliwang grupo kasabay ng nangyaring engkwentro noong ika-13 ng Pebrero 2023 sa barangay Sta. Margarita sa naturang bayan.
Ayon kay Gob. Mamba, mahalaga ang mga ibinibigay na impormasyon ng mga mamamayan sa mga awtoridad kung nasaan ang mga kumakalaban sa gobyerno upang tuluyan ng matuldukan ang insurhensiya sa lalawigan.
“I would like to thank ang mga taga-Baggao na nagbibigay ng information sa atin. Mga nagsasabi kung nasaan ang mga taong to [NPA]. Malaking tulong ito sa ating kasundaluhan para matapos na ang matagal ng problemang ito,” ani Gob. Mamba.
Kaugnay rito, nagpaalala rin ang Gobernador sa lahat ng Cagayano na huwag matakot magsubong at kailangang makipagtulungan kung may mga namamataang miyembro ng NPA sa kanilang mga lugar.
“Napakaimportanteng resolbahin na natin ang problemang ito. Kailangan magtulungan tayo. Meron tayong I-text mo kay Gob. Hotline. I-text niyo lang sa akin kung nasaan sila o kung may mga armado sa inyong mga kapaligiran at ating sasabihin sa awtoridad,” paliwanag ng Gobernador.
Sinabi rin ni Gob. Mamba na kung mananatili ang presensiya ng mga NPA sa probinsiya ng Cagayan ay patuloy na babagal ang usad ng pag-asenso ng lalawigan sapagkat aniya, ang mga makakaliwang grupo ang sabagal sa mga plano ng gobyerno.
“Ang mga problemang ito ay kailangan nang wakasan for us to be prepared sa mga succeeding problems natin. Nahuhuli tayo sa development ng ating mga probinsiya dahil sa mga NPA. Kung nandiyan ang mga problemang yan walang mangyayari sa atin,” paliwang ni Gob. Mamba.
Samantala, dalawang miyembro ng NPA ang nasawi habang isa ang nadakip ng mga awtoridad sa nangyaring sagupaan sa Sta. Margarita, Baggao, Cagayan nitong Lunes. (REDEN L. DELOS SANTOS)