16/10/2021
"Malamang ay nagtataka kayo bakit napasama ang Balabac, Palawan sa paggunita ng ikalimandaang anibersaryo o kwinsentenyal ng parte ng Pilipinas sa unang pag-ikot sa daigdig. Una sa lahat, ito ang silbi ng panandang pangkasaysayan na pinasinayaan natin sa lugar na ito. Mahalaga ang panandang ito nang mapaalaala sa bawat isa sa atin na may mahalagang papel na ginampanan ang pook na ito sa nakaraan. At dahil mahalaga, nais ng Pamahalaang Pambansa, alinsunod na rin sa Konstitusyon ng Pilipinas, na panatiliing nasa gunita ng mga mamamayang Pilipino ang kasaysayang mayroon tayo.
"Pangalawa, ito ang inam na inaaral natin ang ating nakalipas. Marami pang dapat saliksikin. Marami pang dapat hanapin. Marami pang dapat isulat. Marami pang dapat idagdag. Marami pang dapat malaman ang mga Pilipino. Nabanggit ang Balabac sa ruta ng ekspedisyong Magallanes-Elcano, limandaang taon na ang nakalilipas, dahil dumaan sila sa Palawan. Akala natin, Cebu lang at Mactan ang napuntahan nila. Marami tayong nagulat na mahaba-haba pa pala ang nilagi ng ekspedisyon sa katubigan ng Pilipinas.
"Nararapat lamang na malaman nating dumaan sa Balabac ang ekspedisyong siyang unang nakaikot sa daigdig at nagpatunay na bilog nga ang ating planeta. Dahil nangyari ito, dapat lamang malaman ng daigdig at ng sangkatauhan ang Balabac. Hindi naman makukumpleto ang pag-ikot sa daigdig kung wala ang Balabac o ang Palawan sa kabuuan.
"Sa katunayan, nadaan lang ang ekspedisyon sa inyo. Gayunpaman, gumugol pa rin ang Pamahalaang Pambansa sa Balabac upang maitayo ang panandang pangkasaysayang ito. Ito’y sa kadahilanang naging gabay ang inyong baybayin upang matunton ng ekspedisyon ang dako ng Brunei, na siyang sumunod na ruta nila. Hindi naman dadaan ng Balabac ang mga Kastilang ito kung hindi nila nakilala sa Palawan itong isang taga-Maluku sa Indonesiang nagngangalang Bastiam. Marunong ito mag-Portuges, na nag-aya sa kanilang pumunta ng Brunei. Nang paalis na sila ng Palawan noong Hulyo 21, 1521, bigla na lang naglaho si Bastiam. May dalawang bagay tayong maaaring matutunan sa kuwentong ito: una, konektado na ang ating mga ninuno sa Timog-Silangang Asya bago dumating ang mga Kastila—at maaaring saksi ang Balabac sa pagiging abala ng rutang ito sa Dagat Sulu. Pangalawa, si Bastiam ang pag-asa ng ekspedisyon upang makauwi na sa Espanya. Bakit? Taga-Maluku si Bastiam, na siyang pakay ng ekspedisyon bakit sila napadpad sa Pilipinas. Sa katunayan ang opisyal na pangalan ng ekspedisyon ay “Armada de Maluco.” Mula nang mamatay si Magallanes sa Labanan sa Mactan noong Abril 27, 1521, hindi na alam ng ekspedisyon saan sila patungo. Naliligaw na sila. Kaya’t umaasa lamang sila sa pagbaybay sa mga isla ng Pilipinas, hanggang sa kung saan na sila ipadpad ng tadhana. Wala rin silang astronomo na babasa sa mga bituin na siya sanang gagabay sa direksyon ng mga barko ng ekspedisyon. Kasama kasi ito sa napatay sa Cebu noong Mayo 1, 1521. Wala na rin silang tagasalin, si Enrique de Malaca, na tumakas sa Cebu. Kung kaya’t mahalaga pa rin ang papel ng Balabac sa kasaysayan ng unang pag-ikot sa daigdig bilang gabay.
"Balabac ang huling isla sa Pilipinas na nadaanan ng ekspedsiyon bago tumungo ng Brunei at Borneo noong Hulyo 21, 1521. Babalik lamang ang ekspedisyon sa dako ng Pilipinas noong Setyembre 30, 1521, partikular sa Buliluyan, Bataraza, Palawan.
"Muli, nagpapasalamat ako sa Bayan ng Balabac sa pagtanggap sa panandang pangkasaysayang ito."
-Rene R. Escalante, PhD, Tagapangulo, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at Patnugot Tagapagpaganap, National Quincentennial Committee; talumpating binigkas sa paghahawi ng tabing ng panandang pangkasaysayan para sa Balabac, Palawan, 11 Oktubre 2021.