11/08/2024
ISANG BROKER, MAY MADAMDAMING PAYO PARA KAY CARLOS YULO.
Isang broker ay nagbigay ng kanyang mensahe para sa two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at sinabing nagkaroon din sila noon ng alitan ng kanyang ina.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Rodel Revilla na totoo ngang maraming ina ang tila kinokontrol ang mga desisyon ng kanilang mga anak lalo na pagdating sa love life.
Sinabi rin ni Revilla na posibleng hindi ginamit sa pansariling interes ng ina ni Carlos na si Angelica Yulo ang pera ng atleta at ginamit 'yon para sa ikabubuti ng pamilya nito.
"‘tol ‘yung nanay mo sigurado ako na ‘yung mga ginawa niya sa ‘yo at sa pera mo, may iba siyang dahilan. Sabihin na natin pinakialaman niya nang hindi mo mo nalalaman, pero sigurado ako hindi niya dinala ‘yun sa masama. Sigurado ako, ginastos niya ‘yun para sa pamilya. Remember champ, may mga kapatid ka. Maniwala ka, walang nanay na gagastos para lang sa sarili niya. Kung sugalera, manginginom o lakwatsera ang nanay mo, mauunawaan kita. Pero walang ganoong kuwento e. O kulang lang sa detalye ng buhay nyo ang mga marites?" ani Revilla.
"Champ, ang nanay, kahit baliktarin nang isang libong beses ang mundo, nanay pa rin ‘yan. Wala namang ibang nararating ang mga karaniwang nanay kapag concerned sa anak. Usually, sa bahay lang sila para alagaan ang mga anak o kaya sa case mo, sunduin ka sa gym, o kaya bantayan ka habang nagtetraining. Hindi naman kayo ganoon kayaman ‘tol para ubusin ang oras ng nanay mo sa negosyo o ibang gawain," dagdag pa niya.
Naniniwala rin si Revilla na nagseselos lamang ang ina ni Carlos dahil iba ang tumatamasa ng kasikatan ngayon ng atleta.
Hindi man kontra ang broker sa desisyon ni Carlos na piliin ang kasalukuyang nobya nito na si Chloe San Jose ay sana'y maintindihan din ng atleta ang kahalagahan ni Mrs. Yulo.
"Sa totoo lang, sana maisip mo na wala ka pa sa 2024 Paris Olympics, may dalawang ginto ka na. At iyon ay ang pamilya mo at ang nanay mo," dagdag pa niya.