COSECHA FESTIVAL / COSECHA PARA EL SEÑOR
(ANI PARA SA PANGINOON)
"The Santo Niño of Cabanatuan Street Dancing Festival"
Dahil sa alab ng debosyon ng Sambayanang Pilipino sa Sto. Ito ay bilang paggunita sa pagdating ng pananampalatayang Katoliko sa Pilipinas, sa pamamagitan ng imahe ng Santo Niño de Cebu, noong ito’y maibigay noong 1521, bilang pangbinyag na regalo, ng nagdeskubre ng Pilipinas na
si Ferdinand Magellan kay Reyna Juana ng Cebu. Bilang pakikiisa sa buong bansang pagdiriwang ng mahalagang kapistahang ito, pagtanaw ng utang-na-loob at pagpasasalamat sa lahat ng mga biyaya, Ang Parokyang Katedral ng San Nicolas de Tolentino ng Lungsod ng Kabanatuan sa pangunguna ng LA COFRADIA DEL SANTISIMO NIÑO JESÚS DE CABANATUAN, ay may natatanging tradisyon ng pagaalay ng masaganang ani para sa Santo Niño, sa isang pagtatanghal ng musika’t sayaw na kung tawagin ay COSECHA PARA EL SEÑOR (ANI PARA SA PANGINOON) o maskilala bilang COSECHA FESTIVAL -"The Santo Niño of Cabanatuan Street Dancing Festival". Ito ay isang natatanging kumbinasyon ng kabanalan at pagpapakitang-gilas, kataimtiman at kasiyahan. Isang pagdiriwang tuwing huling sabado ng Enero.
*********************************************************
ANG KASAYSAYAN NG SANTO NIÑO DE CABANATUAN
Noong mga panahong wala pang ibang parokya sa Cabanatuan kundi ang Parokya ng San Nikolas ng Tolentino, ang imaheng ito ang kauna-unahang imahe ng Santo Niño sa Katedral ng Cabanatuan; ang siyang tampok sa simula ng debosyon ng mga ninunong Kabanatueño, sa Banal na Bata. Ang mga Agustino ang nagtatag ng Parokyang Katedral ng San Nikolas ng Tolentino sa Cabanatuan noong ika-18 siglo. Sila ay kilalang tagapag-palaganap ng debosyon sa Santo Niño; kaya’t ipinapalagay na maaring sila ang nagdala sa Cabanatuan ng imahe ng Banal na Bata. Ayon sa tradisyon, ang ulo ng imahe ng Santo Niño Hesus ng Cabanatuan ay mahimalang nakaligtas sa kalamidad na nangyari sa makasaysayang Katedral ng Cabanatuan. May tatlong naitalang kalamidad na tumama sa Cabanatuan, na nakawasak sa katedral: Ang lindol noong 1880, ang malaking sunog noong 1934 (sa laki ng nasira, ay kinailangang magtayo muli ng bagong gusali), at ang sunog noong 1972 (ang imahe ay na sa pangangalaga na ng pamilya Ocampo, nuong mga panahong iyon). Hindi masabi kung alin sa unang dalawang kalamidad nakaligtas ang imahe ng Banal na Batang Hesus, o marahil sa parehong kalamidad. Gayon pa man, ang ulo ng Santo Niño de Cabanatuan, na walang katawan ay napasakamay ng isang militar (ipinapalagay na ninuno ng Pamilyang Ocampo), pagkatapos ay naipasa ito sa mga sumunod pang salinlahi hanggang ito ay minana ng dating Kongresista ng Nueva Ecija na si, Felicisimo "Leleng" Ocampo. Mula noon ay naging isang deboto ng Banal na Batang Hesus ang yumaong Kongresista. Ang kuwento ay sinangayunan ng anak na babae ng dating kongresista na si, Marita Ocampo-Soriano; at ang kanya pa ngang ama ang nagpagawa ng bagong katawan para sa ulo ng antigong imahen ng Batang Hesus. Ang bagong katawan ay kinomisyon noon sa Quiapo, sa pagitan ng dekada 1950 at 1960; sa tulong ng tiya niya na si Doña Adela Ocampo, na noon ay isang aktibong tagapagtaguyod ng Katedral ng Cabanatuan at isa ring deboto ng Banal na Batang Jesus. Ang imahe ay nanatili sa pamilya Ocampo ng maraming henerasyon; at sa kanyang bagong katawan, ay lumalabas lamang sa publiko sa Katedral ng Cabanatuan, para lamang sa mga natatanging okasyon. Ngunit pagkatapos ng sunog na tumupok sa katedral noong 1971, hinikayat ng dating Alkalde Angelica Figueroa-Padilla (na noo’y kaagapay ni Msgr. Araullo sa pagtatayong muli ng nasunog na simbahan at isa ding deboto ng Santo Niño) ang butihing Kongresista Ocampo, na ilulok ang pinakaiingatan niyang imahe ng Banal na Batang Hesus sa Parokyang Katedral ni San Nikolas ng Tolentino (ang Katedral ng Cabanatuan); dahil isinama niya sa plano ng pagpapagawa ng bagong gusali ang kanyang donasyong oratoryo para sa imahe (sa kasalukuyan, ito ay ang Kumpisyonaryo ng Katedral). Noong mga panahon kasing iyon, nagkakaroon sa Cabanatuan ng lalong paglago ng debosyon sa Santo Niño. Matapos na maitayong muli ang katedral noong 1975, dahil sa natatanging lugar na nilaan, tuluyan nang sumang-ayon ang debotong Kongresista Ocampo na iluklok ang kanyang pinakaiingatang imahe sa makasaysayang Katedral ng Kabanatuan. ANG IMAHE NG SANTO NIÑO DE CABANATUAN
Ang Santo Niño de Cabanatuan, ay isang imahe na gawa sa kahoy, at maaaring itinalaga sa mga panahong itinatag ang Parokya ng San Nikolas ng Tolentino sa Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija, noong ika-18 siglo. Dahil ang ulo ng imahe ay nawala sa mata ng publiko habang ito’y nasa pribadong panga-ngalaga sa maraming dekada, walang nakakaalam kung ano ang anyo ng orihinal na katawan. Kaya noong ipinagawa ang bagong katawan sa Quiapo noong mga panahon sa pagitan ng dekada 1950 at 1960, ito ay binatay mula sa Santo Niño de Praga, na noo’y siyang katanyagan nito sa Cabanatuan. Sinusundan ng imahe ang estilong " Salvator Mundi " ng “Christological” na paglalarawan. Ang Sto Nino de Cabanatuan ay nagagayakan sa isang kasuotang panghari noong Imperyong Bisantino. Ito ay may mahabang Kapa Imperial, na simbolo ng malayo’t malawak na abot ng pangangalaga ni Hesus sa kaniyang sakop. Ang mga mata ay puno ng kapayapaan ngunit may di maipaliwanag na lalim ng karunungan na tumatagos sa kangino mang budhi. Sa dibdib ay ang Banal na Puso na kumakatawan sa walang paghupang makalangit na pagmamahal, awa at matagal na pagdurusa ng puso ni Hesus para sa sangkatauhan. Hawak ng imahe sa kaliwang kamay ang gintong imperial na orbe (globus cruciger). Ito ay sumasagisag sa pamamahala ni Kristo (ang krus) sa mundo (ang bola).
“At nagsilang siya ng isang anak na lalaki, nakatadhanang magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal. At ang kaniyang anak ay inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono” (Apocalipsis 12:5). Ang kanang kamay ng imahe na nakataas sa pagpapala, ay may hawak na tungkod na bakal. Sa taas na bahagi niyon ay ang imahe ng kalapating sagisag ng Espiritu Santo, pasan ang pulang bilog na kristal na may krus sa ibabaw; simbulo ng tagumpay ng dugo ni Kristo na pinaagos para tubusin ang sanlibutan. Bilang Pastol ng lahat ng mga bansa, Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon, nakaputong sa kaniyang ulo ang “maraming korona” (Apocalipsis 19:12). Sa dahilang ang salitang “marami” ay malabo ang bilang, pitong korona ang pinagpatong-patong para ipakita ang maraming korona sa ulo ng Banal na Batang Hari. Ang bilang na pito ay higit na ginamit sa kahit anong bilang sa Salita ng Diyos, bukod sa bilang na isa. –Revelation 1:4, 12, 16; 5:1, 6; 8:2; 10:3; 12:3; 13:1; 15:1, 7; 17:3, 10; at marami pa. Sa Bibliya, ang bilang na pito ay laging ginagamit upang ipahiwatig ang kaganapan o ang gawa na tinapos sa kasukdulan. Nakaukit sa peana (tuntungan ng imahe) ang mga sagisag ni Kristo (Alpha and Omega - Α Ω, Chi Rho - ΧΡ at JHS Christogram) at larawan ng ilang mga bungang inaani mula sa mga pananim ng Cabanatuan, gaya ng palay, mais, sibuyas, kalamansi. Ang imaheng ito ay isang pagkilala sa pagiging tao ni Hesus at pagbubunyi sa kanyang Pagka-Diyos. Ang Debosyon sa ating Tagapagligtas, ang Santo Niño Hesus ng Kabanatuan ay pagpaparangal sa dakilang misteryo ng kanyang pagkakatawang tao. Pinagpapahalagahan nito ang kanyang dakilang pag-ibig na naghantong sa pagaalay ng kanyang buhay para sa atin. ANG FIESTA NG SANTO NIÑO DE CABANATUAN - COSECHA PARA EL SEÑOR / COSECHA FESTIVAL
Noong 1977, pinangunahan ng dating Alkalde Angelica Figueroa-Padilla (unang Hermana Mayor) ang mga pagdiriwang ng Fiesta ng Santo Niño; kasama sina Bb. Corazon Estrella, Bb. Remedios Santa Ines, Gng. Fe Figueroa-Gatan, at magkapatid na sina, Doña Adela Ocampo at Kongresista Felicisimo "Leleng" Ocampo. Ang pagdiriwang ay dahan-dahang nanamlay noong kalagitnaan ng dekada 1980. Pagkatapos ng higit sa tatlong dekada, noong Enero 24, 2015, ang lumang tradisyon ay nabuhay muli sa pamamagitan ng pagdiriwang ng COSECHA PARA EL SEÑOR (Ani para sa Panginoon) / COSECHA FESTIVAL. Pinagkaabalahan ito ng Parish Pastoral Council, Baranggay Pastoral Council, Los Amantes de Jesus y Maria at Lay Associations and Renewal Movements ng Parokyang Katedral ng San Nikolas ng Tolentino; kaagapay ang Hukbong Katihan ng Pilipinas -7th Infantry (Kaugnay) Division, PA Fort Ramon Magsaysay, Nueva Ecija at Cabanatuan City Information and Tourism Office. Sa kasalukuyan, ang mga organisasyong ito na nagtutulong-tulong upang maidaos ang pagdiriwang, ay kinikilala na LA COFRADÍA DEL SANTÍSIMO NIÑO JESÚS DE CABANATUAN. Ang “Cosecha Para El Señor” ay isang pag-aalay ng mga kaloob na inani sa Santo Niño, sa isang tinikling street dancing festival. Ito ay isang natatanging kumbinasyon ng kabanalan at pagpapakitang-gilas, kadakilaan at kasiyahan. Isang buwang pagdiriwang na nagsisimula sa pagluluklok sa imahe ng Santo Niño de Cabanatuan, novena, Santo Niño exhibit, out-reach program, pagbisita ng imahen ng Santo Niño de Cabanatuan sa kampo militar, parangal Militar, encuentro (pagtatagpo ni Jesus, Maria at Jose), maringal na prusisyon ng iba't ibang titulo ng imahe ng Santo Niño, Tinikling street dancing at Tinikling dance showdown. GAUDEM’MANUEL!