08/06/2022
Pampublikong Pahayag ng OCL
Ika-7 ng Hunyo 2022
OCL, MAY BUONG SUPORTA AT TIWALA KAY OPLE SA DMW
Jeddah, Saudi Arabia - Nagpahayag ng galak, buong suporta at tiwala ang OFW Council of Leaders (OCL) ng Saudi Arabia sa pagkapili ng nahalal na Pangulo ng Pilipinas Ferdinand E. Marcos Jr. (BBM) kay OFW advocate Susan “T***s” Ople, bilang bagong Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).
“Mahabang panahon at malalim ang naging ugnayan at pagtutulungan sa larangan ng adbokasiya para sa mga OFW sa pagitan ni Ka T***s Ople at ng OCL mula pa sa dating pamumuno ni OCL Chairman Emeritus Venecio “Vennie” Legaspi. Kaya buong suporta at malaki ang tiwala ng OCL sa kanyang pagkapili upang mamuno sa bagong departamento para sa mga OFW at ng kanilang mga pamilya,” pahayag ni OCL Direktor-Heneral Ibraham “Rolly” Alano.
Kilala si Ople bilang Founder at President ng Blas Ople Policy Center and Training Institute na dati nang naparangalan ng United Nations Organization sa mga gawain nitong pananaliksik at pagsulong sa mga angkop at napapanahong mga adbokasiya para sa kapakanan ng mga manggagawa kasama na ang mga OFW. Dati na rin siyang nanungkulan bilang Undersecretary ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nagpahayag din ng pasasalamat ang OCL kay BBM sa kanyang pagpili kay Ople. “Ito ay nangangahulugan na ang magiging bagong kalihim ng DMW ay may angkin na malawak at malalim na kaalaman at pag-unawa sa sektor ng mga OFW at ng kanilang mga pamilya. At higit sa lahat, may puso para sa mga OFW,” dagdag pa ni Alano.
Naniniwala rin ang OCL na ang pagbibigay ng buong suporta kay Ka T***s Ople bilang Kalihim ng Department of Migrant Workers ay isa ring paraan upang maipakita ng OCL, at ng mga OFW sa Gitnang Silangan, ang nararapat na pagrespeto sa natatanging prerogatibo at kapangyarihan ni BBM na pumili ng kanyang pinagkakatiwalaan na maging Kalihim ng DMW.