
30/12/2024
Rizal Day: Panawagan sa Kabataan ng Makabagong Panahon
Sa paggunita natin ngayong Araw ni Rizal, mahalagang bigyang-diin ang diwa ng kanyang kabayanihan at ang kanyang paniniwala sa kabataan bilang pag-asa ng bayan. Si Dr. Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda, gamit ang kanyang makapangyarihang panulat, ay naging tinig ng mga inaapi sa panahon ng kolonyal na pananakop. Sa pamamagitan ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo, kanyang inilantad ang katiwalian, kalupitan, at kawalang-katarungan ng pamahalaang kolonyal.
Sa kasalukuyan, habang patuloy na umiiral ang mga isyu ng korapsyon, di-pagkapantay-pantay, at kakulangan ng pananagutan, nararapat na tularan ng kabataan si Rizal sa pagiging kritikal at mapanuri. Hinihimok ko ang bawat Pilipino, lalo na ang mga kabataan, na gamitin ang teknolohiya bilang makabagong anyo ng panulat. Ang social media, blog, at iba pang digital platforms ay maaaring maging sandata para ipahayag ang hinaing, maglunsad ng kampanya para sa pagbabago, at humingi ng pananagutan mula sa mga nasa kapangyarihan.
Ang pagkamatay ni Rizal ay dapat manatili sa ating mga puso bilang paalala na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay nangangailangan ng sakripisyo at pagkilos. Tulad ng kanyang paniniwala, ang kabataan ay may mahalagang papel upang itaguyod ang pagkakaroon ng mas malinis na gobyerno. Ang kanyang mga ideyolohiya ay magpapatuloy na mabuhay kung ang bawat isa ay kikilos ayon sa prinsipyo ng integridad, katapatan, at pagmamahal sa kapwa.
Ngayong Araw ni Rizal, tayo’y muling magkaisa, magsikap, at magsalita laban sa katiwalian at kawalang-katarungan. Ang diwa ni Rizal ay buhay kung ito’y ating isasabuhay—sa salita at sa gawa.
Ang larawan ay monumento ni G*t. Jose Rizal sa bayan ng Lukban, Probinsya ng Quezon.