02/06/2019
Noong Hunyo 1, 1649, nagsimula ang pag-aalsa ni Juan Ponce (o Juan Agustin) Sumuroy sa Palapag, Samar.
Ilang buwan bago ang pag-aalsa, naglabas ng kautusan si Gobernador Heneral Diego de Fajardo upang dalhin sa Cavite ang mga taga-Samar at gumawa ng mga galeon. Kung tutuusin ay labag ito sa kautusan ng Hari ng Espanya na huwag ilayo ang mga manggagawa sa kanilang mga kaanak.
Upang ipakita ang kanilang pagtutol, pinamunuan ni Sumuroy ang mga taga-Palapag at nag-alsa laban sa mga Espanyol. Binato niya ng sibat ang kura paroko ng bayan, si Padre Miguel Ponce Berberan, at pinatay rin ang mga mamumunong Espanyol. Sinunog nila at ninakawan ang simbahan. Kumalat ang pag-aalsa hanggang sa mga kalapit-lalawigan ng Leyte Bicol, Masbate, Cebu at hilagang Mindanao.
Nagtagal ng isang taon ang pag-aalsa ni Sumuroy hanggang siya ay pataksil na pinatay noong Hunyo 1650. Ipinagpatuloy ng kaniyang kanang-kamay na si David Dula ang pag-aalsa hanggang sa sila'y tuluyang magapi noong Hulyo 1650.