28/05/2023
ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Kaloob ng Espiritu Santo”
Mayo 28, 2023. Linggo ng Pentekostes.
(Paalala: Ang pagsisimba po tuwing Linggo ay banal na obligasyon ng bawat Katoliko. Kung tayo po’y hindi nakakapagsimba tuwing Linggo, ikumpisal po natin ito at sikaping gawin sa tulong ng Diyos.)
MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.”
Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Linggo po ng Pentekostes! Ngayon po ay kaarawan din ng Simbahang Katolika. Nang bumaba ang Espiritu Santo, gaya ng ipinangako ni Hesus, ito rin ang naging simula nag-iisang Simbahang Kanyang itinatag – ang Simbahang Katolika. Ilang taon na ang ating Simbahan kung gayon? 1,990 taong gulang na ang ating Simbahan. Malalaman ito kapag ka kinuha ang taon ngayon “2023” at kukunin mula rito ang edad ng pagkamatay, muling pagkabuhay at pag-akyat sa Langit ng Panginoon, “33”. Kaya makukuha ang 1,990. Ito ang edad ng ating Simbahan. Ang unang santo papa ay si San Pedro at mayroon itong pagkakasunud-sunod matapos niya. Ano ang matututuhan natin ngayon? Sa pagdating ng Espiritu Santo, tayo ang templo Niya.
Ang Diyos ay nananahan sa atin at tayo ay nanahan sa Kanya, ngunit ang kasalanan ang sumisira ng napakagandang relasyon, ugyan at pagkakaisang ito na dapat sumasaatin. Anuman ang maging problema o balakid natin sa buhay lalo sa pananampalataya, tawagin natin ang Espiritu Santo. Sa tuwing tayo’y nababagabag at hindi alam ang gagawin, kailangan natin ng tulong at gabay ng Diyos, tawagin natin ang Espiritu Santo. Hilingin nating tayo’y magkaroon ng pitong kaloob o regalo Niya. Mula sa Our Parish Priest website, "Ayon kay San Francisco ng Sales mas mainam kung ilalarawan ang mga kaloob ng Espiritu Santo sa paraang kaugnay ng regalo ng Diyos sa atin na pag-ibig. Kaya maaari nating unawain ang mga ito na:”
1. KARUNUNGAN AY ANG PAG-IBIG na nagdadala sa atin upang malasap kung gaano ang kabutihan at kagandahan ng Diyos.
2. PAGKA-UNAWA ANG PAG-IBIG na tumutulog upang makita natin ang kagandahan ng ating pananampalataya, makilala kung sino ang Diyos para sa atin at makilala siya sa kanyang mga nilikha at sa mga pangyayari ng buhay
3. KAALAMAN ANG PAG-IBIG na umaakay upang matutunan natin kung sino ba tayo at ang ibang mga nilikha sa harap ng Diyos, upang lalo nating malaman kung paano siya paglingkurang higit sa ating buhay
4. PAGPAPAYO ANG PAG-IBIG na nagbibigay sa atin ng karunungan upang piliin ang pinakamagandang paraan na ganapin ang kalooban ng Diyos at paglingkuran siya
5. KATATAGAN ANG PAG-IBIG na nagpapalakas sa puso sa pasya nitong gawin kung ano ang inuudyok ng pagpapayo (naunang paliwanag)
6. KABANALAN ANG PAG-IBIG na nagpapanibago ng lahat nating ginagawa upang maging matamis, magaan at kaaya-aya dahil tayo ay mga anak na naghahandog sa Ama
7. BANAL NA PAGKATAKOT ANG PAG-IBIG na nagtutulak sa ating lumayo at umiwas sa anumang hindi ayon sa puso sa kagustuhan ng puso ng Diyos.
Makikilala natin ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig at pag-ibig. Maniwala muna tayo, gawin ang nararapat sa ating pananampalataya dahil mahal natin Siya at tayo’y makakasumpong ng biyaya. Ang Diyos ay wala sa malayo. Lagi natin Siyang kasama. Nawa’y ito ang ating maging baon para sa mga susunod na araw at panahon. Mamuhay nawa tayo kasama ng Espiritu Santo at sikaping iwasan ang kasalanan upang tayo’y tunay na maging kaisa ng Diyos – iyong namumuhay sa kapayapaan at kapanatagan ng loob kahit anong pagdaanan.
Ang kapayapaang ito ang tunay na tanda ng presensiya ng Diyos. Mapupunta ito sa taong nagpupursigi sa pananalangin at pagtanggap ng Banal na Sakramento lalo na ang Banal na Misa at kumpisal. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nawa’y makatugon tayo sa paanyaya ng Diyos sa ating lumapit sa Kanya. Dito magkakaroon tayo ng buhay na puno at may saysay sa kasama ng Diyos sa paraang hindi natin inaasahan at hindi pa natin nararanasan.
Nawa’y patuloy nating pagnilayan ito. Amen. +
Tamang Pananamit sa Simbahan: https://bit.ly/3JNVrWM
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
By: Katholos Fidei